Sunday, January 4, 2015

Talaga nga bang bobo ang mga Pilipino o sadyang nagpapabobo lang tayo?

*Forgive my grammatical mistakes.
Medj na miss ko lang ang FILKOMU at FILDLAR



Taon taon, ang MMFF (Metro Manila Film Festival) ang sinisubaybayan ng mga Pilipino. Ito ang panahon (Disyembre 25 hanggang Enero 8) kung kailan puro Tagalog lamang ang pinapalabas sa sine. Ang pinakamahusay na producer, director, at aktor ay may kanya-kanyang “best” awards dito. Kasalukuyan, kung pag-aaralan natin ng mabuti ang iba’t ibang prinsipyo sa mga pelikula na maiuukol natin sa ating pagkatao, tiyak na ating mas mauunawaan ang kahalagahan ng magandang sining pagdating sa pelikula. Bilang isa sa mga Pilipinong manonood, nais kong ipaalam ang mga salik ng pelikula na gagamitin natin para maunawaan ang mga prinsipyo at konsepto sa pelikula, at wag sana natin basta bastang tanggapin ang mga walang kwentang pelikulang ipinalalabas ng film industry (no offense).

Ang mga salik ng pelikula ang dapat nating gawing batayan sa paguunawa at pamamahagi ng mga prinsipyo at konsepto na nakalatad sa pelikula. Ayon kay Alfaro (2011), ang  dapat nating tandaan sa (1) Direksyon, ay kung paano ipinahatid ng director ang mensahe ng pelikula, (2) Pagganap, ay kung nabigyan ng bisa ang pagsasabuhay ng karakter, (3) Istoryang Pampelikula, ay kung nabigyan ng linaw ba ang storya, (4) Disensyong Pampelikula, ay kung angkop ba sa storya at mga tauhan ang mga ginamit na kagamitan, kasuotan, tanawin, set at pahanoh, (5) Musikal Iskoring, ay kung angkop ba ang musika na ginamit sa iba’t ibang emosyon sa bawat eksena ng pelikula, at para sa akin, (6) Cultural o Historical value ng pelikula, kung ito’y nakapagbibigay mensahe tungkol sa pagkapilipino natin at ang kahalagahan ng sining. Sa paggamit ng mga salik na ito, madali na natin makukuha ang iba’t ibang prinsipyo at konsepto tulad ng feminism, materialism, atheism, atbp. na dapat nating maunawaan upang maipamahagi natin sa ating sarili ang bawat klase ng pelikula at syempre na rin ang kultura at kaysaysayan natin.

Sa halip ng mga salik na ito, hindi parin maiiwasan na madami ng tamad dahil sa teknolohiya, at dahil dito, madami na sa ating Pilipino ang mababaw ng mag-isip. Ayon kay Cruz (2006), ang Philippine entertainment industry ay hindi lamang isang kaparangan kung pati na rin isang mabagsik na instrumento upang malapastangan ang mababaw na pag-iisip ng masa. Kagaya ng “The Amazing Praybeyt Benjamin”, mahahalatang hindi manlang pinag-isipan ang plot dahil halos dinaan lamang sa mga “pick-up lines” at kuro-kurong mga eksenang ipinaalam sa audience na “ganito” kayo mag-isip. Hindi ba dapat na si Praybeyt Benjamin, na tagapagligtas ng bayan, ay kumilos sa mabuti at matinong paraan? Halos kabaklaan at kalokohan lang ang mga ginagawa niya at ng ibang characters. At dahil tayong mga Pilipino ay hindi naman gaanong kalalim mag-isip, masasabi nating ipinaaalam ng media na “bobo” nga tayo; na magugustuhan din naman natin yung pelikula kahit wala tayong matututunan dito.

Wag natin basta-bastang tanggapin na panget at walang kwenta ang mga pinapalabas. Ayon naman kay Ilda (2011), dapat isang paraan ng pagpapalaganap ng kultura ang mga pelikula na sa gayon, makakaapekto sa ating buhay at ang ating paningin sa bayan, sapagkat isang makapangyarihan na instrumento ito para mabigyan kahulugan kung sino nga ba tayo. Kung pag-aaralan natin ng mabuti ang mga moral lessons sa Kubot, The Amazing Praybeyt Benjamin, English Only Please, Feng Shui 2, My Big Bossing, Shake Rattle & Roll, at Bonifacio, halos lahat ng ito kakaunti lang ang matututunan maliban sa Bonifacio at English Only Please (medj). Oo, nakaka-entertain ang mga ito at hindi boring tulad ng Bonifacio at  English Only Please, pero wala namang laman - wala akong gaanong natutunan, hindi ito nakapagbigay na mabigat na damdamin saakin, walang naiwan sa puso ko, tila parang pinanonood ko ang utak na may magulong imahinasyon. Hindi sa gusto kong mang-insulto, ngunit sana may pagka-intense manlang, yaong bang mangingilabot ka dahil alam mo na kahit papaano, may nagbago sayo, yung mapapaisip ka talaga? Ngunit kabaduyan lang ang nakita ko, wala manlang kritiko, halos hindi angkop sa mga dapat tandaan sa salik ng pelikula, at pwede mo kaagad ibasura ang pelikula pagkatapos ng isang gamitan. Pwede naman tayo mag-isip, gumawa ng storya na kapani-panibago, na matutulungan manlang ang pag-angat ng bansang ito, tulad ng mga indie films na On The Job, Transit, at Norte Hangganan ng Kasaysayan; hindi yung...mga halimbawa ng konsepto sa mga panget na pelikula (no offense, last na to).

Sa panibagong taon, siguraduhin nating higit na maunawaan natin ang mga salik ng pelikula upang taglay nating maintindihan ang mga prinsipyo at konsepto na maaring makatulong kahit papaano sa pag-unlad ng bansang ito. Ang mga pelikula sa MMFF ang iilan lamang sa mga pelikula na tinutukoy kong mala-mainstream (mala-masa), na dapat nating dinadalawang-isip bago natin sabihin na maganda ito. Ngunit kung kaya naman ng mga independent filmmakers gumawa ng nakakapangilabot at nakakapanibago na mga pelikula, bakit hindi kaya ng mainstream? Tila nga ba na alam nila na mababaw mag-isip ang masa? Na basta-basta nalang natin tatanggapin ang binibigay nila? Yung totoo, hindi tayo bobo. Hindi lang  tayo malalim mag-isip. Kaya nagpapabobo nalang tayo. 2015 na teh. Magbago na tayo.